Kapihan sa Kanto

Mga kwento sa kapihan mula sa isang operadang di na nagkakape.

Wednesday, July 27, 2005

Inareglong Kasal ni Peps

Hindi si Peps ang may inareglong kasal -- si Peps ang nag-seg prod ng feature na "Inareglong Kasal" sa I-Witness. Basta, panoorin n'yo nalang nga. Pinagpaguran ni Peps ang debut niyang 'to, yiheeee! Panoorin natin lahat --

Inareglong Kasal
I-Witness ni Sandra Aguinaldo
Lunes (Agosto 1), GMA 7, 11:30pm pagkatapos ng Saksi

Ang kasal ay isa sa pinakamahalagang okasyon para sa magkasintahan. Simbolo ito ng habambuhay nilang pag-iibigan at katapatan sa isa’t isa. Pero ano kaya ang pakiramdam kung ikakasal ka sa taong hindi mo pinili at hindi mo rin lubusang kilala?

Sa kultura ng mga Maranao sa Lanao Del Sur, usong-uso pa rin hanggang sa ngayon ang "karangaya," isang tradisyon kung saan pinagkakasundo ng dalawang pamilya ang kasal ng kanilang mga anak. Tradisyon na raw ito ng mga Maranao bago pa man dumating ang Islam sa Mindanao.

Minsa’y batang bata pa ang mga ikinakasal. Sa I-Witness ngayong Lunes, kikilalanin ni Sandra Aguinaldo sina Fajad Mangotara at Olily Hadjimalic, mga batang sa edad na anim na taon ay mag-asawa na!

Hindi pa nagsasama sina Fajat at Olily at di pa lubusang naiintindihan na sila’y magkabiyak, pero tila nakatakda ang kanilang tadhana sa isa’t isa.

Ang aktuwal na seremonya ng "karangaya" o pag-iisang dibdib naman ni Saminoden Pandapatan at Waheba Amirol ay makukunan din ng I-Witness.

Ipakikita pa ng programa ang mga inareglong kasal para mawakasan ang rido o away sa pagitan ng dalawang angkan. Sina Ibrahim at Johanifah Razul, ipinagkasundo ng mayor ng kanilang bayan para tuldukan ang rido. Napatay kasi ng pinsan ni Ibrahim ang kapatid ng ama ni Johanifah, na naging simula ng madugong away sa kanilang mga pamilya.

Pero hindi lahat ng mga anak, pumapayag sa ganitong kasunduan. Si Minang Sharief, isang propesor sa Mindanao State University, hindi pumayag na makasal sa kanyang tiyuhin nang ipagkasundo siya rito ng kanyang mga magulang sa edad na trese. Ayon mismo kay Minang, naging simula raw ito ng pagbabago ng paniniwala ng ilang mga babaeng Maranao sa "karingaya".

Ang tradisyon ng inareglong kasal, at ang mga isyu at kagandahang nakapaloob dito ang di dapat palampasing paksa ng I-Witness ni Sandra Aguinaldo ngayong Lunes pagkatapos ng Saksi.

|| kapihan sa kanto, 12:31 AM
|

Powered by Blogger