Kapihan sa Kanto

Mga kwento sa kapihan mula sa isang operadang di na nagkakape.

Monday, July 04, 2005

UPCAT

It's that time of the year.

Bukas, sasamahan ko ang mga Payatas kids na susubok maging UP student. Magsu-submit na sila ng UPCAT form nila. Medyo mas mabusisi kasi may Income Tax Return (ITR) pa silang kinuha galing BIR para lang patunayan na less than P100,000 ang family income nila, para di na sila magbayad ng P450 UPCAT fee. Eh P150 din ang pagkuha ng ITR sa BIR... kaya ang na-diskwento nalang nila, suma-tutal, P300. Pwede na rin kahit hindi libreng-libre tulad ng dapat.

Ayun, na-turn down daw si Jhanna nung isang araw nang mag-submit siya, dahil dapat daw ITR ng tatay niya ang isumite niya, hindi 'yung sa nanay niya. Eh nung panahong kumuha kasi sila, nasa-ospital ang tatay niya dahil inoperahan. Kung kukuha ng isa pang ITR, another P150 na naman.

Kaya tumawag na ko sa UP. Gumamit na ko ng konting masscom chika-ness. Konting paawa effect. And then konting human rights, those-who-have-less-in-life-should-have-more-in-law speech. Finally, pwede na daw kahit ITR ng nanay.

I was able to secure this assurance through a 10-minute phone call. Samantalang sila Jhanna, pabalik-balik at di na magkandatuto sa pag-intindi kung ano ba talagang katibayan ang kelangan para lang mapatunayan na mahirap nga sila at di nila alam kung saan huhugutin ang P450 para sa isang kapirasong papel.

Naisip ko tuloy, kawawa naman 'yung mga marami na madaling masindak sa red tape at kung anu-ano, dahil hindi sila sanay. Dahil minsan siguro, iniisip nila wala naman silang K na magtanong, mag-inquire, o makipag-usap sa mga supervisor para makakuha ng matinong sagot. Madalas kasi, kinakailangan pa ang special blend ng katarayan, konting ingles, medyo pa-cute minsan, o kaya paawang anak ang effect, o kaya good citizen of the country and watchdog of the government. Hindi puwede 'yung tonong Payatas, 'yung puntong public school, 'yung simpleng isang tanong, isang sagot. Sa wikang ingles, ika nga, gimme a break. Bago ka mabigyan ng break dito, dapat alam mo 'yung special blend. Dapat ang tono mo, tunog may karapatan.

Eh lahat naman tayo may karapatan, a.

Oo nga, pero pag nag-ingles ka, akala nila mas may karapatan ka na.

At kung mas marami kang ingles na alam kesa sa kanila... aba, diyosa ka na.
|| kapihan sa kanto, 10:17 PM
|

Powered by Blogger